Nanilbihan siya bilang Kalihim ng Katarungan para sa iba’t ibang Amerikanong Gobernador-Heneral, una sa ilalim ni Gobernador-Heneral Leonard Wood mula 1922 hanggang 1923. Sa “krisis ng gabinete” noong 1923, nagbitiw sa panunungkulan ang mga Filipinong kasapi ng gabinete, isa na si Abad Santos, bilang protesta sa di-katanggap-tanggap na paghawak ni Gobernador-Heneral Wood sa kaso ni Ray Conley.
Makalipas ang ilang taon, muli siyang napabilang sa hanay ng mga Kalihim ng Katarungan noong 1928, at nanilbihan sa ilalim nina Gobernador-Heneral Henry L. Stimson, Dwight F. Davis, at Theodore Roosevelt Jr. hanggang maitalaga siya bilang Katuwang na Mahistrado ng Korte Suprema noong 1932.